Home METRO 13 Chinese nationals na trabahador sa 2 mining sites sa Homonhon Island...

13 Chinese nationals na trabahador sa 2 mining sites sa Homonhon Island arestado

MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na nasa 13 Chinese national ang kanilang dinakip noong Oktubre 30 dahil sa ilegal na pagtatrabaho sa mga mining sites sa Homonhon Island sa Guiuan, Eastern Samar.

Ang ginawang pag-aresto ay kasunod ng coordinated operation ng Intelligence Division (ID) ng BI sa pakikipag-ugnayan sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay BI-ID Chief Fortunato Manahan, Jr., natuklasan ang mga dayuhang manggagawa sa dalawang magkahiwalay na mining site sa isla.

Ayon kay BI-ID Chief Fortunato Manahan, Jr., natuklasan ang mga dayuhang manggagawa sa dalawang magkahiwalay na mining site sa isla.

Batay sa ulat, na ang 11 sa mga naarestong indibidwal ang may hawak na working visa ngunit napag-alamang nagtatrabaho sa ibang kompanya na isang paglabag sa kanilang mga kondisyon sa visa. Isang indibidwal ang may hawak ng retiree’s visa, habang ang isa ay nakilala bilang isang overstaying alien.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pangangailangang ipatupad ang mga batas sa imigrasyon sa mga lugar na ito.

“Illegal employment undermines local laws and communities. We are committed to monitoring and addressing cases like these to protect our borders and environment,” ani Viado.

“The recent operation on Homonhon Island highlights our close coordination with national agencies to ensure compliance with our regulations,” dagdag pa ng opisyal.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PAOCC ang mga naarestong dayuhan habang ang BI ay nagpasimula ng isang deportasyon na kaso laban sa kanila.

Matatandaang noong unang bahagi ng taong ito, nagpahayag ng pangamba ang mga residente sa isla sa epekto sa kapaligiran ng mga operasyon ng pagmimina sa lugar.

Nabatid na ang Homonhon Island ay nagtataglay ng kahalagahang pangkasaysayan bilang ang lugar kung saan unang nakarating sa Pilipinas ang explorer na Portuges na si Ferdinand Magellan. JR Reyes