IPRINISINTA sa mga mamamahayag ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Usec. Gilbert Cruz ang 13 wanted na Chinese national na may kasong illegal gambling, online fraud at online scamming matapos mabuking sa pamamagitan ng biometrics. Kabilang dito ang mga naaresto sa ni-raid kamakailan na POGO hub sa Pasay. ERIC D.
MANILA, Philippines – Arestado ang 13 Chinese national sa pinakabagong raid sa isang hinihinalang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) scam hub sa Pasay City na pawang mga pugante galing China.
Kinumpirma ng Chinese Embassy na ang mga dayuhang ito ay sangkot sa mga krimen sa kanilang bansa, matapos na ipasa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang kanilang mga pangalan.
“Ganiyan ang ginawa ng Chinese Embassy, kinuhaan nila ng biometric and then naglabasan na yung mga totoong pangalan nitong mga ‘to, and then yung criminal activities nila lumabas na rin doon,” ani PAOCC executive director Gilbert Cruz.
Ang mga naarestong Chinese ay wanted sa cryptocurrency at investment scam at gumagamit ng ipinagbabawal na messaging app para maisagawa ang kanilang mga illegal na transaksyon.
Nababahala naman ang PAOCC na ang mga dayuhang ito ay nakapapasok pa rin sa bansa sa kabila ng ban sa mga POGO.
“Especially those with red notice or may blue notice or wanted ng Interpol, automatic pagpasok dito niyan nagre-red alert na agad eh. Since wala silang dokumento nung pumasok dito, malamang puwedeng nag-back door sila or they used other means to get in our country,” sinabi ni Cruz.
Nakikipag-ugnayan na ang PAOCC sa Bureau of Immigration para sa backtrack investigation.
Nadiskubre ng PAOCC na ang ilan sa mga foreign worker na nakatakas sa POGO raids sa Bamban, Tarlac, at Porac, Pampanga ay lumipat sa small-scale POGO operations sa Pasay.
Dahil dito ay gagawing prayoridad ng PAOCC na ang mga dayuhang ito ay maipa-deport na. RNT/JGC