MANILA, Philippines- Nasa 131 local government units ang kakasuhan sa hindi pagtalima sa pagsisikap ng pamahalaan na padaliin ang mga proseso, ayon sa Anti-Red Tape Authority nitong Martes.
Sa Palace press briefing, sinabi ni ARTA Director General Ernesto Perez na mahigit 400 LGUs ang pinapapaliwanag kung bakit hindi sila tumalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. na padaliin ang government processes.
”Mayroon pong 431 LGUs na pinadalhan natin ng notice to explain para i-explain nila kung bakit hanggang ngayon hindi sila tumutupad sa direktibang ito,” ani Perez.
”Kaya expect po within the week or next week, sasampahan po natin ng kaso about 131 local government units,” dagdag niya.
Idineklara ni Marcos ang buwan ng Mayo kada taon bilang ease of doing business (EODB) month, sa layuning magtatag ng mas “business-friendly environment.”
Sa Proclamation No. 818, inatasan ni Marcos ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) na pangunahan ang taunang paggunita sa EODB Month at tukuyin ang mga programa, aktibidad, at mga proyekto.RNT/SA