MANILA, Philippines – Sugatan sa kanang balakang ang isang 14-anyos na batang lalaki matapos umanong magpaputok ng warning shot ang isang resort guard sa Cordova, Cebu, sa mga batang tumalon sa bakod, para magnakaw umano.
Ayon sa imbestigador ng Cordova Police na si Police Staff Sergeant Ritchie Abao, kinumpirma ng bata sa isang panayam sa ospital na hindi siya tinutukan ng baril ng guwardiya. Gayunpaman, hindi sigurado ang bata kung paano siya natamaan.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad ngunit nabigong mahanap ang guwardiya, na nag-turn over ng kanyang baril sa isang katrabaho.
Iginiit ng ama ng bata na ang kanyang anak ay hindi sangkot sa anumang pagnanakaw. Pinaghahanap pa ng pulisya ang dalawa pang bata na umano’y umakyat sa bakod upang linawin ang kanilang koneksyon sa insidente.
Ang bata ay sumailalim sa operasyon at nagpapagaling. Nagsampa ng frustrated homicide complaint ang pulisya laban sa guwardiya. RNT