Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang lalaki sa isang checkpoint operation sa Zaragoza, Nueva Ecija, nitong Disyembre 10 dahil sa nasamsam na puslit na iligal na sigarilyo.
Bunsod ng natanggap na isang tip, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 1st PMFC, at Zaragoza Municipal Police Station sa kahabaan ng Sta. Rosa-Zaragoza Road.
Bandang alas-5:00 ng umaga, pinahinto nila ang isang trak para sa regular na inspeksyon at natuklasan ang 147 na kahon ng iba’t ibang Chinese cigarette brands, na nagkakahalaga ng P1,764,000.
Ang driver ng trak na si alyas “Vin,” at ang helper na si alyas “Mon,” ay nabigo na magbigay ng mga kinakailangang dokumento at inaresto kaagad sa paglabag sa Republic Act No. 9211 (Anti-Tobacco Regulation Act of 2003).
Pinuri ni PRO3 Director PBGEN Redrico A. Maranan ang mabilis na pagkilos ng pulisya ng Zaragoza.
“Ang operasyong ito ay sumasalamin sa aming dedikasyon sa pagpapatupad ng batas at paglaban sa mga ilegal na aktibidad na nakakapinsala sa ating ekonomiya at kalusugan ng mga mamamayan.”
Tiniyak niya sa publiko ang pinaigting na pagsisikap laban sa ilegal na tabako sa ilalim ng RA 9211, na binibigyang-diin ang pangako ng PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan sa komunidad. RNT