TINGNAN: Humarap sa NBI ang 16 sa 18 umano’y dating Marines na nagpakilalang “bagmen” ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, upang tumalima sa subpoena kaugnay ng kontrobersyal na alegasyon ng kickbacks sa flood control projects. | Cesar Morales
MANILA, Philippines – Sasabihin ng 18 indibidwal na nagpakilala bilang dating Marines ang lahat ng kanilang mga nalalaman, patungkol sa paghahatid ng mga cash sa ilang politiko mula kay dating congressman Zaldy Co, sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman, ayon sa kanilang legal counsel nitong Lunes, Hunyo 8.
Ayon kay Atty. Levito Baligod, ang kanilang affidavit ay ang “initial” information pa lamang at ang lahat ng detalye ay ibubunyag sa imbestigasyon ng Ombudsman.
“Doon sa Ombudsman investigation, ‘yun ang medyo proper, no? So iisa-isahin ‘yan. Merong panel of investigators so doon nila ibibigay lahat pati ‘yung mga pictures, videos, doon lahat,” ani Baligod.
“Recently, nakatanggap ako ng tawag galing sa Office of the Ombudsman and humingi sila sa akin ng schedule kung kailan maaari pumunta ang mga sundalo doon at meron na kaming schedule,” dagdag pa niya.
Aniya, haharap sila sa Ombudsman sa Hunyo 11, 15, at 16. RNT/JGC