MANILA, Philippines – Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI)–NCR ang 14 na Indian nationals dahil sa umano’y pagkakasangkot sa social engineering, computer-related fraud, at money mule operations sa isang raid sa Clark Freeport, Pampanga noong Pebrero 13.
Ayon sa NBI, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang cooperating witness na nagturo kay Harpreet Singh, alyas “Harry,” bilang umano’y lider ng grupo. Nakakuha rin ang mga awtoridad ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data mula sa Makati Regional Trial Court bago ang operasyon.
Lumabas sa imbestigasyon na target ng grupo ang mga retirado at vulnerable individuals gamit ang phishing links at pekeng investment platforms.
Hinihikayat umano ang mga biktima na magbukas ng bank accounts at magparehistro ng SIM cards na ginagamit bilang mule accounts para sa pagtanggap at paglilipat ng pera.
Nakumpiska sa raid ang 40 smartphones, limang laptop, isang desktop computer na itinuturing na pangunahing hub ng operasyon, mga ledger na may bank details, SIM cards, routers, CCTV equipment, at iba pang digital devices. Sa forensic examination, natuklasan ang real-time bank transaction alerts, OTP access, at mga talaan ng PIN, CVV, account numbers, at login credentials.
Tinukoy ng NBI ang desktop computer na may markang “JVSB-DC-1” bilang pangunahing hub ng money muling operations at umano’y kontrolado ni Singh, na hindi naabutan sa raid. Dalawa sa mga naaresto ang itinurong managers na nagbibigay ng instruksyon sa paglilipat at pag-withdraw ng pondo.
Inirekomenda ng NBI ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 12010 o Anti-Financial Account Scamming Act at Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang kabuuang lawak ng operasyon at iba pang posibleng sangkot sa scam network. Dave Baluyot