Home METRO 14 pinasabugan ng minerong gumanti matapos magulpi

14 pinasabugan ng minerong gumanti matapos magulpi

99
0

BAGUIO – Labing-apat katao ang nasugatan matapos umanong hagisan ng isang minero ng improvised explosive device ang isang tindahan sa Baguio City madaling-araw ng Lunes, sa hinihinalang paghihiganti matapos siyang gulpihin dahil sa umano’y pambabastos sa isang babae.

Nangyari ang insidente dakong alas-3:15 ng umaga sa Barangay Magsaysayat, ayon sa pulisya at sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon.

Sa imbestigasyon, lumitaw na ang suspek, isang 32-anyos na minero mula sa Itogon, Benguet, ay sinampal at sinuntok matapos umanong mangmolestiya ng isang babae sa naturang establisimyento.

Batay sa CCTV footage, nakita umano ng Baguio City Police Office ang suspek na sinisindihan ang mitsa ng hinihinalang IED sa tabi ng isang nakaparadang sasakyan bago ito inihagis sa tindahan. Tumakas siya matapos bumagsak ang pampasabog sa bubong ng establisimyento.

Dahil sa pagsabog, 14 katao ang nasugatan, kabilang ang ilang commuter na naghihintay ng masasakyan sa kalapit na terminal. Isinugod sa ospital ang mga biktima, habang siyam sa kanila ang nananatiling under observation sa Baguio General Hospital.

Ayon sa pulisya, pinaalis ang suspek sa tindahan matapos umano niyang bastusin ang isang babae sa loob ng lugar.

“Yung suspek mayroon siyang binastos na isang babae, yun nga, sinampal siya nung babae. May tumulong din na bystander na nanuntok,” sabi ni Police Major Marcy Grace Marron, spokesperson, Baguio City Police Office.

Sinabi ng mga awtoridad na nakainom umano ang suspek, umuwi muna ito, at pagkatapos ay bumalik dala ang IED.

Naaresto rin kalaunan ang suspek at nahaharap ngayon sa mga kasong multiple frustrated murder, acts of lasciviousness, at paglabag sa Safe Spaces Act. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here