Home NATIONWIDE 15-anyos na 2 linggong nawawala, nakitang bangkay

15-anyos na 2 linggong nawawala, nakitang bangkay

MANILA, Philippines – Natagpuang patay ang isang 15-anyos na batang babae na dalawang linggo nang nawawala sa isang tubuhan sa Barangay Cubay, La Carlota City sa Negros Occidental.

Base sa imbestigasyon, natagpuan noong Miyerkules ang biktimang si “Pearl Joy” at positibong kinilala ng kanyang ina sa pamamagitan ng damit na suot nito.

Ibinahagi ng kanyang ina na si Pearl Joy ay nasa paaralan at nagpadala ng mensahe sa kanyang pinsan na samahan siya bago siya mawala.

“Nang nandoon na sa paaralan, nagchat daw siya na sabi niya, ‘samahan mo naman ako mamayang tanghali kasi magkaka-motor na ko mamaya.’ Ang kanilang pinsan, di sumama sa kanya,” ani Jennifer Galve, ina ng biktima.

Sinabi ng mga saksi na nakita ang biktima sa isang tawiran sa Barangay Sum-ag.

Naniniwala ang kanyang ina na may hinihintay siyang isang tao sa araw ng kanyang pagkawala.

Hindi pa rin matukoy ng La Carlota Police kung saan pinatay ang biktima at sinabing posibleng itinapon lamang ang bangkay nito sa lugar kung saan siya natagpuan.

Nakikipagtulungan na sila ngayon sa Bacolod Police para ma-recover ang CCTV footage at ma-track ang mobile phone ng biktima para sa mga posibleng lead.

“Walang may na-recover. We are hoping na may makita kaming ebidensya. Parang iniwan lang siya dito,” ani acting La Carlota police chief Police Lieutenant Colonel Lymel John Pasquin.

Kasalukuyan ding isinasailalim sa autopsy ang bangkay ng biktima. RNT