BICOL, Philippines — Arestado ang 15 hinihinalang sangkot sa ilegal na droga at nasamsam ang mahigit P1.7 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa magkakahiwalay na operasyon sa Bicol nitong Biyernes.
Sa Paracale, Camarines Norte, naaresto ang 51-anyos na si “Mylene”, isang high-value target, matapos makumpiskahan ng 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.36 milyon, kasama ang drug paraphernalia.
Sa parehong bayan, naaresto rin ang 33-anyos na si “Rolan”, isang gold panner, matapos umanong magbenta ng shabu sa isang undercover agent. Nasamsam sa kanya ang tinatayang P61,000 halaga ng shabu.
Sa Daet, tatlong katao ang inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mabuwag ang isang drug den sa Barangay Magang. Nakumpiska ang P81,600 halaga ng shabu at iba’t ibang drug paraphernalia. Kinilala ang maintainer ng drug den bilang “Erol”, habang mga bisita naman sina “Fedil” at “Dino.”
Sa Iriga City, Camarines Sur, walong katao ang naaresto sa magkakahiwalay na drug den sa Barangay San Francisco. Umabot sa P224,800 halaga ng shabu at mga gamit sa droga ang nakumpiska.
Samantala, sa Guinobatan, Albay, naaresto sina “Mark” at “Ron” sa buy-bust operation kung saan nasamsam ang P31,756 halaga ng hinihinalang shabu.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/MDS