Home METRO 15 arestado sa nilusob na lodging house sa Cebu na ginagamit na...

15 arestado sa nilusob na lodging house sa Cebu na ginagamit na drug den

142
0

MANILA, Philippines – Nadiskubre ng mga awtoridad na ginagamit bilang drug den ang isang lodging house sa Manalili Street, downtown Cebu City.

Ayon kay Agapito A. Gierran, executive officer ng NBI-CEBDO sa Mandaue City, orihinal na nag-ooperate ang establisyimento bilang isang lehitimong lodging facility na kalaunan ay nadiskubreng ginagamit sa mga illegal drug activity.

Ani Gierran, nadiskubre niya na ang ilang mga room ay nirerentahan ng mga indibidwal na gumagamit ng illegal na droga.

Sa imbestigasyon, ang pasilidad ay mayroong 10 kwarto na ginagamit ng mga drug user ng P50 kada oras.

Hindi na aniya angkop na gawing lodging ang mga kwarto at tila ginagamit na talaga para sa mga session.

Sa operasyon, naabutan ng mga ahente ng NBI ang ilang indibidwal na umookupa sa iba’t ibang kwarto sa loob ng lodging house.

Aabot sa 15 katao ang naaresto kabilang ang umano’y maintainer ng drug den matapos ang dalawang linggo ng surveillance ng mga awtoridad.

Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng entrapment scheme at pagpapadala ng undercover operative na nagpanggap bilang drug user para makapasok sa lodging house.

Nagbayad ang operatiba para makagamit ng kwarto at matapos na tanggapin ang marked money ng suspek na nangangasiwa sa establisyimento ay agad na pumasok ang mga awtoridad para arestuhin ang mga sangkot.

Narekober sa mga ito ang iba’t ibang drug paraphernalia kabilang ang syringes, glass tooters, improvised burners, lighters, aluminum foils, funnels, at plastic sachets na may bakas ng shabu.

Isasailalim sa forensic examination ang mga ito para makumpirma ang bakas ng shabu.

Ani Gierran, napag-alaman sa imbestigasyon na ginagamit bilang drug den ang lodging house kung saan ang mga user ay magdadala ng sari-sarili nilang illegal na droga na gagamitin sa loob ng mga nirentahang kwarto.

Nasa kustodiya ng NBI sa Mandaue City ang mga indibidwal para sa paghahain ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here