MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang 15 contractors kung nagbigay ba ito ng campaign donations sa national candidates noong May 2022 presidential polls.
Ayon sa Comelec na ang mga kontraktor na may hawak na government contracts ay bawal na magbigay-donasyon sa mga kandidato.
Dagdag pa ni Comelec Chairman George Garcia na inaasahan nilang tataas pa ang bilang habang patuloy na sinusuri ng kanilang Political Finance and Affairs Department ang Statement of Contributions and Expenditures ng mga kandidato.
“As of yesterday (Thursday), we have identified 15 contractors, which provided support, assistance and donations to the 2022 candidates,” ani Garcia.
Ayon kay Garcia, inuuna nila ang lahat ng posisyon na sangkot sa 2022 elections.
Aniya, maaaring mas marami pa bukod sa 15 kontratista.
Binigyang-diin niya na hindi pa nila matukoy kung nilabag ng mga kontratista ang batas.
Noong nakaraang linggo, ibinunyag ng Comelec na apat na contractors ang natuklasang nagbigay ng donasyon sa kampanya ng national candidates noong 2022.