Home METRO 2 menor utas, 1 sugatan sa salpukan ng motor at baka

2 menor utas, 1 sugatan sa salpukan ng motor at baka

298
0

CABAGAN, Isabela – Pinaglalamayan na ng kanilang mga magulang at kamag-anak ang dalawang menor de edad habang isa pa ang nakikipaglaban kay kamatayan matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang baka sa kahabaan ng Provincial Road sa Barangay Cansan, Cabagan, Isabela.

Ang sangkot na sasakyan ay isang itim na Sniper 150 na motorsiklo na walang plaka, minamaneho ni Jake, 16 taong gulang. Sakay nito sina Justin, 16, at Loraine (di tunay na pangalan), 14, kapwa estudyante at residente ng Barangay Baleleng, Santo Tomas, Isabela.

Ayon kay PMaj. Merwin Villanueva, hepe ng Cabagan Police Station, binabaybay ng motorsiklo ang kanlurang direksyon patungong Santo Tomas proper nang biglang tumawid sa kalsada ang isang baka mula silangan patungong kanluran. Hindi napansin ng driver at kaangkas nito na pawang mga menor de edad ang hayop, kaya’t nabangga nila ito na naging dahilan upang tumilapon sila sa kalsada.

Agad silang isinugod ng MDRRMO Cabagan sa Milagros Albano District Hospital. Idineklara si Justin na dead on arrival, habang si Jake ay inilipat sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City para sa karagdagang gamutan ngunit binawian din ng buhay kalaunan.

Payo ng pulisya sa mga nag-aalaga ng hayop na kailangang itali at ilayo ang mga ito sa mga pangunahing kalsada. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here