CAVITE, Philippines – Tinutugis ng Philippine National Police ang 15 suspek kaugnay ng pagkamatay ng isang 19-anyos na maritime student, na umano’y sumailalim sa fraternity initiation rites sa Dasmariñas, Cavite.
Nanawagan ang PNP sa mga huling nakasama ng kanyang anak na lumantad at makipagtulungan sa imbestigasyon.
Ayon sa mga doktor, may mga pasa sa hita si Mark Kenneth at may bakas ng chili pepper sa sensitibong bahagi ng kanyang katawan. May bali rin umano ang kanyang ngipin at tila napitpit ang mga kuko.
Ikinuwento ng ina ng biktima na nagpaalam ang anak na magso-swimming kasama ang mga kaklase sa Dasmariñas at may resort umanong binook ang ama ng isa sa mga ito. Pumayag siya basta magpapadala ng larawan, ngunit hindi na siya na-update ng anak.
Dinala ng tatlong lalaki ang walang buhay na estudyante sa isang ospital sa General Trias noong Linggo ng hapon, ayon sa CCTV. Pagsapit ng gabi, ipinaalam ng mga kaklase sa pamilya na patay na ito at dead on arrival umano sa ospital.
Noong Lunes, natagpuan ng pulisya ang isang abandonadong silver sedan na pinaniniwalaang ginamit sa pagdala sa biktima. Isinailalim ito sa forensic examination at nakarekober ng mga ID, fraternity shirt, at iba pang dokumento.
Ayon kay Cavite Provincial Director PCol Ariel Red, natukoy na ang mga huling nakasama ng biktima at itinuturing na itong mga suspek.
“Siguraduhin natin, itong mga sangkot dito ay kapag naipakita natin, nakita natin ‘yung participation sa investigation na sigurado natin na ‘yung hustisya ibibigay natin sa kanila,” ani Red.
“Ang maganda dito is may natutukoy na tayo. Hindi na ito para sa akin, hindi na kinokonsidera itong POI. Suspect na ito para sa akin, suspect na ito kasi sila ang last na kasama,” dagdag niya.
Hinihikayat din ang iba pang kasapi na hindi sangkot na lumapit sa himpilan upang malinaw ang kanilang partisipasyon.
Sinabi ng PNP na haharap sa reklamong paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018 ang mga suspek. Sa ilalim ng batas, ang hazing na nagresulta sa kamatayan ay non-bailable at may parusang reclusion perpetua o pagkakakulong ng 20 hanggang 40 taon, at multang hanggang ₱3 milyon. RNT/MND