MANILA, Philippines- Arestado ang isang 40-anyos na lalaki sa Cavinti, Laguna dahil sa umano’y panggagahasa sa kanyang 16-anyos na anak na nabuntis niya.
Batay sa ulat, nadakip ng mga pulis ang suspek sa isang operasyon kasunod ng reklamong inihain ng biktima.
“Medyo na-challenge kami sa pagaresto sa akusado dahil di namin ito agad mahagilap, pero dahil sa impormasyon na aming nakuha sa impormante, [nakita namin] kung saan nagtatago itong akusado,” pahayag ni Cavinti chief of police Police Major Celso Jhune Talampas.
“Agad akong nagbuo ng tracker team at agad na pinuntahan ang sinasabing pinagtataguan nitong akusado,” dagdag niya.
Base sa biktima, ilang ulit siyang pinagsamantalahan ng kanyang ama hanggang mabuntis siya.
Nagpasaklolo siya sa mga kaanak ng kanyang ina.
“Noong bedridden pa ang kaniyang ina, ito po ay pinagsamantalahan sa kabilang kwarto. At nang namatay ang ina, habang nasa burol, muli itong ginahasa ng kanyang ama,” pahayag ni Laguna provincial police director Police Col. Gavin Mel Unos.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cavinti Police ang suspek na mahaharap sa kasong statutory rape. RNT/SA