MAY pagkilos ngayon sa Senado na amyendahan ang Rice Tarrification Law para umano sa mas malakas at direktang pakinabang ng mga magsasaka.
Kabilang sa mga laman ng amyenda ang pagpapalawig ng batas hanggang 2031, paggamit ng P30 bilyon para sa suplay ng mga makabagong makinarya, magandang binhi, tulong pinansyal, solar powered na irigasyon at water impounding project, training ng mga magsasaka at iba pa.
Maganda lahat ito, lalo na kung walang halong korapsyon o nakawan sa pondo.
Pero mawawalan ng kahulugan o saysay ang lahat ng ito kung mas mabilis pa sa kidlat ang kumbersyon ng palayan para sa mga subdibisyon o housing project, komersyal at industrial project, komersyal na mga pananim o high value crops, golf course, bagong mga bayan at iba pa.
Iilang milyon na nga lang ang palayan, nilalamon pa ng land conversion o pagpapalit-gamit ng lupa.
Ang dami yatang kasong land conversion sa Department of Agrarian Reform.
Wala ring malinaw na expansion ng mga bakanteng public land patungo sa pagiging palayan at kung may malinaw man na gamit ng mga ito, para sa ibang mga proyekto.
Magtanong pa kayo sa Department of Environment and Natural Resources.
May napakalawak ding bakanteng lupa na sakop ng Bases Conversion Development Authority gaya sa Tarlac-Pampanga area ngunit walang pansamantalang nagtatanim ng palay roon.
Napakalawak din ang mga sakahan sa mga warzone na “no man’s land” pero hindi magamit dahil ipinagbabawal ng mga sundalo at pulis na pasukin at linangin ng mga magsasaka.
Kung walang land conversion at isama ang lahat ng problemang lupa at amyenda sa RTL para sa rice production, maaaring magtagumpay ang mga magsasaka at pamahalaan sa pagpapaunlad ng industriyang bigas.
Kung iaasa lang sa RTL ang pag-unlad ng industriya, mabibigo lang ang mga magsasaka at pamahalaan sa pagtiyak ng rice security at mananatili ang Pinas na pinakamalaking rice importer sa buong mundo.