MANILA, Philippines – MALUBHANG nasugatan ang isang 16-anyos na estudyante matapos saksakin ng 12-anyos na kapwa estudyante sa Malabon City, Martes ng madaling araw, Nobyembre 19.
Nakaratay sa Tondo Medical Center habang ginagamot sanhi ng tinamong saksak sa likod ang 16-anyos na binatilyong biktima na residente ng Sanciangco St., Brgy. Catmon.
Nasa kustodiya naman ngayon ng City Social Welfare ang 12-anyos na binatilyong suspek na residente din sa naturang barangay matapos madakip ng pulisya.
Sa ulat ng Women’s and Children Protection Desk (WCPD) kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente ng pananaksak ng suspek sa biktima sa hindi pa mabatid na dahilan sa No. 2O9, Sanciangco St. Brgy. Catmon.
Matapos ang insidente, isinugod ng kanyang mga kaanak at mga tanod ang biktima sa nasabing pagamutan habang naaresto naman ang suspek sa isinagawang follow-up ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station (SS4).
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung anu ang dahilan ng suspek sa ginawang panaksak sa biktima. Rene Manahan