MANILA, Philippines – Umakyat na sa 16 ang bilang ng mga nasawi sa matinding pag-ulan sa Mindanao na nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo, Pebrero 4.
Sa pinakahuling situational report, lahat ng ma nasawi ay mula sa Davao Region.
Tatlong indibidwal naman ang nananatiling nawawala, habang 11 ang nasaktan.
Kabuuang 772,276 katao o 204,840 pamilya mula sa 508 barangay sa Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at BARMM ang apektado dahil sa ulan na dulot ng trough ng low-pressure area.
Sa nasabing bilang, 91,079 indibidwal o 24,212 pamilya ang inilipat sa 341 evacuation centers; habang 318,365 indibidwal o 94,595 pamilya ang pansamantalang tumutuloy sa ibang lugar.
Samantala, 97 kalsada at 14 tulay sa Davao at Caraga regions ang hindi pa rin madaanan.
Iniulat ng NDRRMC ang P2,610,000 halaga ng pinsala sa 26 istruktura sa dalawang rehiyon.
Nasa 47 tirahan ang totally damaged at 44 ang partially damaged.
Sa kasalukuyan, 36 rain-induced landslides at 134 flooding incidents ang naitala dahil sa malakas na pag-ulan. RNT/JGC