CAVITE, Philippines – Laking pasasalamat ng mga driver nang pagkalooban sila ng pamahalaan ng financial subsidy na my kabuoang 1,619 na mga driver tungo sa pag-alalay sa sektor ng transportasyon ng Rosario, Cavite.
Layunin ng programang ito na mabawasan ang pasanin ng mga tsuper sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa pangunguna ni Rosario Mayor Jose Voltaire V. Ricafrente, katuwang si Vice Mayor Bamm Gonzales, matagumpay na naipamahagi ang tulong-pinansyal na direktang makakatulong sa pang-araw-araw na operasyon ng mga tricycle drivers—isang sektor na lubhang naapektuhan ng pabago-bagong presyo ng petrolyo.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang subsidy ay bahagi ng mas malawak na programa upang suportahan ang mga manggagawa sa transportasyon na patuloy na nagsisilbi sa komunidad sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya.
Marami sa mga benepisyaryo ang nagpahayag ng pasasalamat, dahil ang tulong ay magsisilbing dagdag puhunan upang maipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay.
Hindi maikakaila na ang mga tricycle driver ang isa sa mga gulugod ng lokal na transportasyon sa Rosario, Cavite.
Sila ang nagsisilbing pangunahing paraan ng pagbiyahe ng mga residente, lalo na sa mga lugar na hindi naaabot ng malalaking sasakyan.
Sa pamamagitan ng subsidiya, mas napapalakas ang kanilang kakayahang maglingkod at kumita nang sapat para sa kanilang pamilya.
Dagdag pa ng alkalde, patuloy ang kanilang paghahanap ng mga paraan upang mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa sa bayan.
Ipinapakita umano nito ang tunay na diwa ng malasakit at pagkakaisa sa komunidad—isang prinsipyo na kanilang isinusulong sa ilalim ng kampanyang “Just LoVe Rosario”.
Sa kabuuan, ang inisyatibong ito ay hindi lamang simpleng ayuda kundi isang konkretong hakbang tungo sa inklusibong pag-unlad, kung saan walang sektor ang naiiwan.
Patunay ito na sa pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan, kayang malampasan ang anumang hamon ng buhay. MARGIE BAUTISTA