WASHINGTON, USA – Sinimulan na ng NASA ang dalawang araw na countdown nitong Lunes para sa kauna-unahang crewed mission papuntang Buwan matapos ang mahigit kalahating siglo.
Nakatakdang ilunsad ang rocket mula sa Kennedy Space Center sa Abril 1, alas-6:24 ng gabi (Abril 2, alas-6:24 ng umaga sa Maynila). Ayon sa NASA, nagsimula ang countdown alas-4:44 ng hapon.
“The vehicle is ready, the system is ready. The crew is ready,” ayon kay Amit Kshatriya.
Layunin ng misyon na umikot sa Buwan bilang paghahanda sa mas malalaking proyekto, kabilang ang planong pagtatayo ng lunar base.
Kung hindi matuloy ang launch sa Abril 1, may iba pang schedule hanggang Abril 6. Ayon sa mga opisyal, maayos ang takbo ng paghahanda at engineering checks.
“We’ll fly when this hardware is ready,” sabi ni Charlie Blackwell-Thompson, at idinagdag na nasa “excellent shape” ang lahat.
Ang apat na astronaut na lalahok ay sina Reid Wiseman, Victor Glover, Christina Koch, at Jeremy Hansen. Sila ay kasalukuyang naka-quarantine bago ang biyahe.
Magiging makasaysayan ang misyon dahil ito ang unang pagkakataon na may babaeng astronaut, isang person of color, at isang hindi Amerikano na sasama sa Moon mission.
Ito rin ang unang crewed flight ng bagong rocket ng NASA na Space Launch System (SLS), na inaasahang magpapabalik sa mga tao sa Buwan at magbibigay-daan sa pagtatayo ng permanenteng base para sa susunod na eksplorasyon.
Naantala ang misyon dahil sa mga teknikal na isyu at kinailangang ibalik ang rocket sa hangar para sa pagsusuri at pagkukumpuni.
Samantala, nasa 80% ang tsansa ng magandang panahon sa araw ng launch, bagamat binabantayan ang ulap, malakas na hangin, at solar weather.
“I’m just gonna make an appeal to the space gods, okay?” biro ni Kshatriya. RNT/MND