MANILA, Philippines – Nagpahayag ang Department of Transportation (DOTr) na pinapabilis nito ang pagkumpleto ng 16,575 housing units para sa mga pamilyang apektado ng North-South Commuter Railway (NSCR) System bago matapos ang 2026.
Sa south segment ng NSCR, nakikipag-ugnayan ang DOTr sa Social Housing Finance Corporation (SHFC) upang magbigay ng mga housing units sa loob at malapit sa mga lungsod ng San Pedro, BiƱan, Santa Rosa, Calamba sa Laguna at sa Naic, Cavite.
Kabilang dito ang Sining Residence II na may 1,920 units, Sining Residence I na may 528 units, The Meadows na may 2,030 units, Rizal Ville na may 2,130 units, at Naic sa Cavite na may 5,452 units.
Sa hilagang bahagi, nakikipag-ugnayan ang DOTr sa National Housing Authority (NHA) para sa tatlong relocation site sa Pampanga at isa sa Bulacan.
May 4,515 pamilyang informal settler ang ililipat sa Angeles City at City of San Fernando sa Pampanga at Calumpit sa Bulacan.
Kamakailan, sina IC Calaguas, Transportation Assistant Secretary for Right of Way and Site Acquisition (ROWSA), at SHFC engineer na si Renalyn Nacpil ay nag-inspeksyon sa mga kasalukuyang konstruksyon.
Inaasahang matatapos sa 2032, ang 147-kilometrong NSCR System ay aabot mula Clark International Airport (CRK) sa Pampanga hanggang sa Lungsod ng Calamba sa Laguna.
Babawasan nito ang oras ng paglalakbay mula CRK hanggang Calamba sa wala pang 2.5 oras mula sa kasalukuyang apat na oras sa pamamagitan ng lupa.
Ang NSCR System ay magtatampok ng kauna-unahang Airport Express Service sa bansa, na magkokonekta sa CRK hanggang Makati sa wala pang isang oras at magkokonekta sa CRK hanggang Alabang sa wala pang isang oras at 15 minuto.
Magkakaroon din ito ng kauna-unahang Through Train Interoperations sa bansa kasama ang Metro Manila Subway.
Ang 35-station rail system ay inaasahang maglilikha ng 350,000 trabaho sa panahon ng konstruksyon at operasyon, habang magsisilbi sa halos isang milyong pasahero araw-araw kapag ganap na itong nag-operate. Jocelyn Tabangcura-Domenden