Home TOP STORIES Mga pahayag ni Madriaga sa sinasabing POGO donations dapat dinggin -abogado

Mga pahayag ni Madriaga sa sinasabing POGO donations dapat dinggin -abogado

308
0

Manila, Philippines — Iginiit ng abogado ni Ramil Madriaga, na iniuugnay sa umano’y pagkuha at paghatid ng donasyon mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na hindi dapat isantabi ang mga pahayag ng kanyang kliyente kaugnay ng umano’y pagtanggap ng campaign donations ng ilang opisyal ng gobyerno, kabilang na si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Atty. Raymond Palad sa isang interbyu, may karapatan umanong magsalita si Madriaga kahit pa ito ay may kinakaharap na kasong kidnapping.

“Hindi pa naman siya convicted. May karapatan siyang magsalita at maglahad ng nalalaman,” ani Palad.

Umano’y Personal na Pagkuha at Paghatid ng Pera

Ipinahayag pa ng kampo ni Madriaga sa nasabing interbyu na batay sa sinasabi ng kanilang kliyente, siya umano ang personal na kumukuha ng pera mula sa ilang Chinese nationals na sangkot sa POGO at inihahatid ito sa mga itinalagang contact persons.

Ayon sa abogado, kabilang umano sa mga binanggit na contact persons ang mga indibidwal na iniuugnay sa opisina ng Bise Presidente. Gayunman, binigyang-diin ng kampo ni Madriaga na ang mga ito ay alegasyon pa lamang.

“Consistent ang salaysay ni Ramil na may natanggap na donasyon si VP mula sa POGO,” ayon kay Palad.

Bukod kay Vice President Duterte, sinabi ng kampo ni Madriaga na may iba pa umanong matataas na opisyal ng gobyerno na binanggit ang kanilang kliyente na posibleng tumanggap ng kahalintulad na donasyon.

Gayunman, nilinaw ni Palad na hindi pa nila ilalantad ang mga pangalan hangga’t hindi pa ganap na nabiberipika ang mga impormasyong hawak nila.

Isa pa sa ibinunyag ng abogado ang sinasabing pagkakaroon ni Madriaga ng tatlong cellphone na, ayon sa kanya, ay naglalaman umano ng mga mensahe, tala, larawan, at call logs na posibleng magsilbing ebidensya kaugnay ng mga alegasyon.

Ayon kay Palad, isa sa mga cellphone ay sinasabing ibinigay umano kay Madriaga ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, isang pahayag na wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa kampo ng dating pangulo.

Dagdag ng abogado, ang mga naturang cellphone ay ipapailalim sa forensic examination.

Dahil sa mga pahayag na ito, nanawagan ang kampo ni Madriaga sa Office of the Ombudsman at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan sa likod ng umano’y POGO-related campaign donations.

Samantala, una nang itinanggi ni Vice President Duterte ang mga paratang at iginiit na hindi niya kilala si Madriaga, at inilarawan ang isyu bilang bahagi ng umano’y pamumulitika laban sa kanya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here