Home NATIONWIDE 16K minimum wage earners nakinabang sa inilunsad na P20/kg bigas

16K minimum wage earners nakinabang sa inilunsad na P20/kg bigas

MANILA, Philippines – Mahigit 16,000 minimum wage earners sa buong bansa ang nakinabang sa pagsisimula ng “Benteng Bigas Meron (BBM) Na for Minimum Wage Earners” program, iniulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Sabado, Hunyo 14.

Ayon kay DOLE Officer-in-Charge Benjo Santos, mayroong 16,126 empleyado mula sa 100 establisyimento sa buong bansa ang nakinabang sa programa.

Aniya, nakabili ang 800 rank-and-file port workers ng limang kilong bigas sa Manila Harbor Center sa Tondo, Manila nitong Biyernes.

Pinangunahan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang paglulunsad ng programa.

Bahagi ito ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing abot-kaya ang basic commodities.

Una nitong tinarget ang vulnerable sectors katulad ng mga senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

“Ang atin pong Pangulo ay may mensahe para sa mamamayang Pilipino. Mensahe na lagi po nating isaalang-alang ang kapakanan at kagalingan ng manggagawang Pilipino at kayo po iyon. Mensahe na possible ang bente pesos na bigas. Hindi lamang po ito pangakong napapako. Ito po ay isang ganap na katuparan,” ani Santos.

Nagpasalamat naman si Fernan Nerida, pangulo ng Manila Harbor Center Port Services Inc. Labor Union, sa DOLE sa programa para sa minimum wage workers.

“Makakatulong ito sa ating mga pamilya, lalong lalo na sa panahon ngayon,” aniya. RNT/JGC