Home NATIONWIDE 17 Abu Sayyaf members na sangkot sa Sipadan kidnapping, hinatulan na!

17 Abu Sayyaf members na sangkot sa Sipadan kidnapping, hinatulan na!

MANILA, Philippines – Hinatulang guilty sa kidnapping at serious illegal detention with ransom ang 17 lider at miyembro ng Abu Sayyaf na sangkot sa pagdukot sa 21 indibidwal mula Malaysia noong 2000.

Sa 157-pahinang desisyon ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 153 na may petsang Oktubre 16, 2024, sinentensyahan ng reclusion perpetua ang bawat sangkot na miyembro ng ASG para sa 21 counts ng mga krimen na guilty ang mga ito.

Ang mga hinatulan ay ang mga sumusunod:

Alkaiser Baladji,
Omar Galo,
Muner Jumalla,
Najer Ibrahim,
Jahid Susukan,
Hilarion Santos,
Ben Najar Abraham,
Said Massud,
Hajid Elhano,
Jundam Jawad,
Aljunib Hashim,
Michael Pajiji,
Alhadi Aylani,
Dhad Suraidi,
Julkipli Salih,
Saltimar Sali, at
Redendo Dellosa

“Being detention prisoners they and each of them shall be credited with the full time during which they had undergone preventive imprisonment, pursuant to the provisions of Article 29 of the Revised Penal Code,” saad sa desisyon.

Inatasan din ang mga akusado na bayaran ang 21 biktima ng tig-P100,000 bilang civil indemnity; P100,000 bilang moral damages; at P100,000 bilang exemplary damages—- at lahat ay may interest na 6% per annum mula sa date of finality ng hatol hanggang sa tuluyan itong mabayaran.

Matatandaan na dinukot ng mga miyembro ng Abu Sayyaf noong Abril 2000 ang 21 katao, kung saan 10 ang Western tourists, 9 ang Malaysians, at 2 ang Filipino mula sa isang dive resort sa Sipadan, Malaysia.

Ang mga biktima ay dinala sa Sulu habang nangikil ng ransom money ang ASG mula sa pamilya ng mga bihag at sa pamahalaan.

Karamihan sa mga bihag ay pinakawalan matapos bayaran ang ransom money.

Ang huling hostage na si Roland Ulla, na isang Filipino ay nakatakas noong Hunyo 6, 2003.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), sina Santos at Dellosa, dalawa sa 17 convicted ay high profile individuals sa sanctions list ng United Nations Security Council.

Sa pahayag, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na ang conviction sa mga akusado ay “reflection of the unwavering efforts of the DOJ in upholding the rule of law without fear or falter.”

Pinuri naman nito si Senior Deputy State Prosecutor Hazel Decena-Valdez sa hakbang na mapanagot ang mga miyembro ng ASG. RNT/JGC