Bulacan – Ipinababatid ng kinauukulan na patuloy na tumataas ang bilang ng mga hayop lalo na ang mga aso na tinatamaan at namamatay sa sakit na rabies sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).
Sa ulat ng City SJDM-City Veterinary Office nitong umaga ng Abril 10, sa kasalukuyan ay nasa 17 aso na ang kumpirmadong namatay sa sakit na rabies mula sa ibat-ibat barangay ng lungsod.
Ayon sa datos ng tanggapan, may naitalang animal rabies cases na nakapaloob mula January 16 hanggang March 25, 2026 sa barangay ng Assumption, Kaypian, Sapang Palay, Gumaoc Central, Dulong Bayan, Citrus, Poblacion 1, Fhomes-Yakal, Graceville, Gaya-gaya, San Rafael IV, Dulong Bayan, Muzon South, Sto NiƱo, San Isidro, Graceville at Muzon East.
Nabatid na ang pagdami ng mga kaso ng sakit na rabies ay pangunahing iniuugnay sa mga asong pagala-gala sa lansangan.
Payo ng tanggapan para makaiwas sa rabies ay iparehistro at pabakunahan taun-taon ang mga alagang aso at pusa kontra rabies, bigyan ng sapat na nutrisyon, wastong pangangalaga, huwag hayaang gumala sa kalsada at lagyan ng tali kapag inilalabas.
Sakaling makagat ng aso o pusa, agad hugasan ang sugat sa loob ng 10-15 minuto gamit ang dumadaloy na tubig at sabon, magtungo sa agad sa pinakamalapit na health center o ospital para sa konsultasyon, iwasan magpagamot sa tandok o tawak at ipaalam sa kinauukulan ang pagala-gala at agresibong aso o pusa. Dick Mirasol III