Home METRO 17 sugatan sa dyip na sumalpok sa poste sa Bataan

17 sugatan sa dyip na sumalpok sa poste sa Bataan

1
0

BATAAN — Labimpitong katao, kabilang ang driver, ang nasugatan matapos mawalan umano ng preno ang isang pampasaherong jeep at bumangga sa bus, poste ng kuryente at konkretong bakod ng isang bahay sa Barangay Roosevelt, Dinalupihan noong Martes ng gabi.

Batay sa paunang imbestigasyon, nangyari ang aksidente dakong alas-7 ng gabi sa pababang bahagi ng Jose Abad Santos Avenue.

Galing Olongapo City ang jeep na puno ng mga pasahero nang pumara ang isa sa kanila upang bumaba. Tinapakan umano ng driver ang preno, ngunit pumalya ito kaya nawalan siya ng kontrol sa sasakyan.

Tinangka pa ng driver na iwasan ang isang Victory Liner bus na nakahinto upang magsakay at magbaba ng mga pasahero, ngunit nasalpok pa rin ng jeep ang likurang bahagi nito. Sunod nitong nabangga ang isang poste ng kuryente na may transformer bago humampas sa konkretong bakod ng isang bahay.

Dahil sa lakas ng impact, tumagilid ang poste at nasira ang bakod.

Isinugod sa pagamutan ang mga sugatang pasahero at driver na nagtamo ng mga sugat at galos. Wala namang nasawi sa insidente.

Maaaring maharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property at multiple physical injuries. Roel Tarayao

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here