Home NATIONWIDE 17 vessels na sangkot sa Zambales dredging pinigil ng PCG

17 vessels na sangkot sa Zambales dredging pinigil ng PCG

MANILA, Philippines- Pinigil ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes ang 17 sa 28 sasakyang pandagat na sangkot sa dredging activities sa Zambales matapos ang kanilang pag-iinspeksyon.

Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na ang 17 detained vessels ay pawang mga bareboat charter na nakarehistro sa Pilipinas.

Tatlo sa 28 ininspeksyong sasakyang pandagat ay mga dayuhan, partikular mula sa China, Sierra Leone, at Panama, ayon sa PCG.

Natuklasan ng PCG sa isinagawang inspeksyon noong Martes na ang cutter suction dredger ng China ay may anim na aberya, pito ang anchor boat ng Sierra Leone, habang 12 ang tugboat ng Panama.

Noong Miyerkules, ininspeksyon ng PCG ang isang suction cutter, isang tugboat, at isang anchor boat at natukoy ang ilang mga kakulangan. Sasailalim sila sa adjudication sa Coast Guard Station (CGS) Zambales.

Labintatlo pang dredger ang natagpuan din na may ilang mga kakulangan sa loob ng area of ​​responsibility ng CGS Manila, sinabi ng PCG.

Noong Huwebes, 10 sasakyang pandagat ang ininspeksyon at mahigit 150 aberya ang naitala para sa adjudication sa CGS Manila. Walo sa mag ito ang nasamsam dahil sa 30 detainable deficiencies.

Sa kabuuan, mayroong 344 deficiencies na naitala para sa adjudication ng CGS Manila.

Nauna nang ipinag-utos ni PCG commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang marine environmental protection inspection at vessel safety enforcement inspection sa mga sasakyang ito.

Para sa mga pagsusuri, nakakuha ang mga tauhan ng PCG ng kopya ng mga special permit at bareboat charter na inisyu ng Maritime Industry Authority (MARINA) para ikumpara ito sa listahan ng mga natukoy na dredger at suction cutter sa Zambales.

Noong Marso 13, ikinasa ang ang Senate investigation sa ‘unabated’ dredging activities na umano’y isinagawa ng Chinese workers sa coastal areas sa Zambales.

Ipinagtanggol naman ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. ang dredging activities ng Chinese workers sa coastal areas ng lalawigan.

Sinabi niya na ang dredging activities ay isinagawa upang alisin sa ilog ang mga buhangin at lahar mula sa 1991 Mount Pinatubo eruption. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article2 puganteng dayuhan patatalsikin ng Pinas
Next articleMarine research ng PH contingent sa Sandy Cay tapos na