Home NATIONWIDE 17 volcanic quakes naitala sa Mt. Kanlaon

17 volcanic quakes naitala sa Mt. Kanlaon

MANILA, Philippines- Nakapagtala ng 17 volcanic earthquakes sa Bulkang Kanlaon nitong Sabado, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology nitong Linggo.

Natukoy ang volcanic earthquakes mula alas-12 ng hatinggabi noong Sabado hanggang parehong oras ng araw ng Linggo, base sa PHIVOLCS.

Haos 4,397 tonnes ng sulfur dioxide flux din ang naoserbahan nitong Sabado.

“This is the highest emission this year measured by campaign survey and the second highest land-based measure for Kanlaon,” anang PHIVOLCS.

Naobserbahan din ang moderate plumes na umabot hanggang 500 metro ang taas noong Sabado patungo sa northeast direction.

Kasalukuyang umiiral ang Alert Level 2 sa Kanlaon Volcano.

Nangangahulugan itong mayroong “elevated volcanic earthquakes, steam emissions, ground deformation and hot spring temperature.”

Binalaan naman ang publiko na ipinagbabawal ang paglapit sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone maging ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa bulkan.

Pumutok ang Bulkang Kanlaon noong Lunes, Hunyo 3, na nagbuga ng usok na umabot hanggang 5,000 metro.

“In case of ash fall events that may affect communities downwind of Kanlaon’s crater, people should cover their nose and mouth with a damp, clean cloth or dust mask,” pahayag ng PHIVOLCS nitong Sabado.

Mula 1866, lahat ng pagsabog ng Kanlaon, maliban sa isa, ay phreatic. RNT/SA