Home LIFESTYLE Panibagong tourist hub sa Intramuros bubuksan sa publiko

Panibagong tourist hub sa Intramuros bubuksan sa publiko

Larawan kuha ni Crismon Heramis

MANILA, Philippines- Upang mapagtibay ang hangaring maging pangunahing destinasyon ng turismo, kasaysayan, at kultura ang Intramuros, inilunsad sa tinaguriang Walled City of Manila, ang Centro de Turismo Intramuros.

Ang Centro de Turismo ay nasa loob ng dating San Ignacio Church na isa sa pitong simbahan sa loob ng Walled City na nawasak sa naganap na “Battle of Manila” noong taong 1945.

Matutunghayan dito ang museo na nagtatampok makasaysayang relics o artifacts na magdadala sa kaalaman ng mga bibisita rito ng kasaysayan ng Walled City mula pa sa panahon ng pagsasailalim sa kolonya ng Espana hanggang sa mawasak sa panahon ng World War II at pagbangong muli para sa maunlad na kinabukasan.

Malawak din ang espasyo ng Centro para sa pagdaraos ng iba’t ibang uri ng okasyon o aktibidad na makakatulong sa turismo.

Ayon kay Intramuros Administrator Atty. Joan Padilla, ang Centro de Turismo Intramuros ay nagsisilbing sagisag ng mga mithiin ni San Ignacio, na naging bantog sa pagtataguyod ng edukasyon at paggalugad sa iba pang kaalaman.

Naisakatuparan ang Centro de Turismo Intramuros dahil na rin sa tulong at pagsisikap ng tanggapan nina Pangulong Ferdinand “Bongbog” Marcos, Jr., at Unang Ginang Liza Araneta Marcos, pati na rin sa suporta ng Department of Tourism at Intramuros Administration.

Nakatakda namang buksan sa publiko ang Centro de Turismo Intramuros sa pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan sa Hunyo 12, 2024. JAY Reyes