MANILA, Philippines — Magde-deploy ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ng 175 personnel para tumulong sa seguridad ng ASEAN Summit na gaganapin sa Cebu ngayong Mayo.
Ayon kay acting HPG director PBGen. Rommel Batangan, kabilang sa ipapakalat ang 108 motorcycle riders, 38 drivers, at 24 crew members na hahawak ng 38 patrol vehicles, sa ilalim ng limang convoy officers.
Ang mga tauhan ay magsisilbing lead vehicles para sa road clearing at koordinasyon ng seguridad sa galaw ng mga delegado at matataas na opisyal.
Dadaan muna sa Presidential Security Command (PSC) ang deployment, habang ang mga sasakyan at motorsiklo ay ipapadala sa Cebu sa pamamagitan ng sea travel.
Tiniyak naman ng HPG na hindi maaapektuhan ang kanilang operasyon sa buong bansa, dahil sapat pa rin ang natitirang mahigit 1,800 personnel para sa traffic enforcement at road safety.
Binigyang-diin ni Batangan ang kahalagahan ng disiplina at kahandaan ng mga tauhan, lalo’t pagkakataon ito upang maipakita ang propesyonalismo ng PNP at ang mainit na pagtanggap ng Pilipinas sa mga dayuhang bisita. RNT/JGC