MANILA, Philippines – Umaabot sa 17,000 mag-aaral mula sa Kinder hanggang Grade 6 ang nakatanggap ng libreng gamit pang-eskuwela mula sa pamahalaang lungsod ng Gapan sa Nueva Ecija.
Ang naturang programang pang-edukasyon ng lokal na pamahalaan ay isinasagawa sa tuwing darating ang pasukan sa eskuwela.
“Yung estudyanteng bibigyan po dito sa Lungsod ng Gapan more or less po ay nasa 17,000 na elementary students simula Daycare students until Grade 6 students,” sabi ni Gapan City Mayor Emary Joy Pascual sa panayam.
Ang Gapan City ay may 23 barangays at 33 pampublikong paaralan.
Bawat estudyante ay mayroong libreng bagong sapatos, medyas, bag, ballpen, lapis, notebooks, papel, lunch box na may kasamang snacks at iba pang school supplies.
Nitong Lunes sinimulan sa walong paaralan ang pamamahagi sa mga mag-aaral sa pamumuno ni Mayor Pascual, kasama ang mga kawani ng Sangguniang Panglungsod.
Inaasahang matatapos ito sa Biyernes bago ang pasukan sa Lunes.
Lubos ang pasasalamat ng mga magulang sa kanilang natanggap na gamit pang-eekuwela para sa kanilang mga anak dahil makababawas ito sa kanilang gastusin ngayong school year.
“Malaking tulong po ito sa amin sa pagbabadyet dahil makabibili pa kami ng ibang bagay na kailangan sa eskuwela ng aming mga anak. Maraming salamat po sa aming mayor,” wika ni Marcelina de Jesus ng Barangay Malimba.
“Graduate din po ako sa public school sa Gapan South Central School. Sa public school, makikita mo ‘yung hindi pantay na sitwasyon ng mga estudyante — may nakasapatos at may nakatsinelas. Kaya po nu’ng ako’y naging mayor ay ginusto ko talagang maramdaman ng estudyante ‘yung pantay na pares na buhay. Ibig sabihin pag pumasok ka, iisa ‘yung bag n’yo, iisa ‘yung sapatos,” sabi ni Mayor Emary.
Sa pamamagitan nito anang alkalde, magkakaroon lalo ng kumpyansa at magiging ganadong pumasok sa eskuwela at mag-aral ang isang estudyante. MARINA G. BERNARDINO