MANILA, Philippines – Kinalampag ng mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang Commission on Audit (COA) upang siyasatin nito ang ilang umano’y maanomalyang transaksyon sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE).
Isa na umano rito ang pagpapalabas ng P1.7 bilyon mula sa kaban ng BARMM sa loob lamang ng isang araw para sa Learner’s Kits at Teacher’s Kits noong Marso 7, 2025.
Ayon sa insiders sa MBHTE, may mga testigo na nagpahayag ng kanilang nalalaman sa mga kwestyonableng pagpapalabas ng pera para sa ilang programa ng ministry.
Hindi umano dumaan ang transaksyon sa Finance Division chief para sa rebyu at lagda ng hepe nito batay sa standard operating procedures at bilang pagtugon na rin sa mga tuntunin at polisiya ng pamahalaan.
Ang MBHTE, pinamumunuan ni Minister Mohagher Mohammad Iqbal, ang may pinakamalaking budget na P36 billion, halos one-third ng kabuuang budget ng rehiyon.
Sinasabing ibinebenta ang naturang Learners at Teacher’s Kits sa mismong mga guro, alegasyong dapat linawin ng MBHTE, sa pamamagitan ng pagsisiyasat ng COA.
Bukod dito, nakikialam umano ang isang pamangkin ng mataas na opisyal ng MBHTE na kilala sa bansag na “Boss A” sa pagpapahinto ng training program na nakalaan sa mga guro dahil lamang hindi napili ang gusto niyang hotels bilang venues noong 2022.
Naniningil umano ang mga hotel na nabigyan ng kontrata dahil sa hindi natuloy na training at nagbantang magdedemanda sa MBHTE. RNT/NT