Home NATIONWIDE ’18 ex-bagman’ ni Co, kakasuhan ni Kiko sa pagdawit sa flood control...

’18 ex-bagman’ ni Co, kakasuhan ni Kiko sa pagdawit sa flood control scam

1
0

MANILA, Philippines – Nangako si Senador Francis “Kiko” Pangilinan nitong Martes na magsasampa ng kaso laban sa 18 dating bodyguard at umano’y bagman ng dating kongresistang si Zaldy Co matapos siyang idawit, kasama ang kanyang pamilya, sa umano’y flood control scam.

Sa isang press conference na pinangunahan ni dating kongresista Mike Defensor, inangkin ng grupo na naghatid sila ng maletang may lamang pera para kay Pangilinan. Nagpakita rin umano sila ng mga larawan ng pamilya ng senador at mga maleta na sinasabing may laman na salapi.

Iginiit ni Pangilinan na walang basehan ang mga alegasyon at bahagi lamang ito ng pagtatangkang sirain ang kanyang pangalan matapos maiulat na siya ang mamumuno sa Senate Blue Ribbon Subcommittee na magsisiyasat sa umano’y anomalya sa flood control projects.

“Puro pasaring. Puro alegasyon. Puro palabas. Gusto lang mantsahan ang naiulat na pag-upo ko bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Subcommittee na mag-iimbestiga sa flood-control scam,” ani Pangilinan.

“Wala ni katiting na basehan ang mga tangkang pagdungis sa aking pagkatao ng mga nagpa-presscon tungkol sa mga maletang kaugnay sa bilyon-bilyong pisong ninakaw sa kaban ng bayan,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Senador Erwin Tulfo na mag-i-inhibit siya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng isyu at itatalaga si Pangilinan upang mamuno sa subcommittee na hahawak sa imbestigasyon.

Sinabi ni Pangilinan na pananagutin niya sa korte ang mga nasa likod ng mga alegasyon sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong paninirang-puri.

“At dahil dinamay niyo pa ang pamilya ko, makakatikim kayo ng hindi pasaring, alegasyon, o palabas na kaso sa korte,” aniya.

“Pananagutan ninyo ang paninirang ginagawa niyo,” dagdag ng senador. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here