Home NATIONWIDE 18 pa nawawala sa gumuhong gusali sa Angeles

18 pa nawawala sa gumuhong gusali sa Angeles

34
0

MANILA, Philippines — Labing-walo katao ang pinaniniwalaang naibaon sa gumuhong siyam na palapag na condominium project sa Angeles City, Pampanga, ayon sa lokal na pamahalaan na nag-anunsyo ng pagtatapos ng rescue operations at pagsisimula ng retrieval operations nitong Martes.

Ayon sa lokal na pamahalaan at Bureau of Fire Protection, batay sa ulat ng mga kaanak na naghahanap sa kanilang mga mahal sa buhay ang tala ng mga nawawala.

Apat na bangkay na ang narekober mula sa guho, kabilang ang isang Malaysian national at dalawang construction worker. Hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng ikaapat na nasawi.

Bumagsak ang istruktura noong Linggo at tumama sa isang kalapit na hotel. Nauna nang iniulat na tatlong biktima—ang Malaysian na guest sa hotel at dalawang construction worker—ay natagpuang buhay ngunit nasawi bago pa man maialis sa pagkakaipit.

Nagkaroon pa ng pag-asa noong Lunes matapos makadetekta ng tinatawag na “signs of life” ang thermal sensors sa isang bahagi ng guho, ayon sa mga rescuer. Gayunman, wala nang sumunod na natagpuang nakaligtas o karagdagang bangkay, kaya pormal nang itinigil ang rescue operations noong Lunes ng gabi at pinalitan ng retrieval operations nitong Martes.

Ayon kay regional fire bureau spokeswoman Maria Leah Sajili, karamihan sa mga nawawala ay mga construction worker na natutulog sa site nang mangyari ang pagbagsak. Tinatayang aabot sa 70 ang mga manggagawa sa proyekto, bagaman karamihan ay naka-leave noong weekend.

Nadawit din sa imbestigasyon ang kondisyon ng paggawa sa site. Nauna nang isinara ng Department of Labor and Employment ang proyekto noong Setyembre 2024 dahil sa paglabag sa occupational safety standards.

“Our labor inspectors had monitored poor working conditions, a violation that would put our workers at risk,” ayon kay regional labor official Geraldine Panlilio sa isang panayam sa radyo.

Dagdag pa niya, ang mga manggagawa ay “lacked safety gear” kabilang ang hard hats, boots, safety belts, at lifelines, at nagtrabaho sa kulang na ilaw at walang nakikitang safety signage.

Muling pinayagan ang konstruksyon makalipas ang isang buwan matapos sumunod ang contractor sa mga kinakailangang safety standards. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here