Home METRO 18 timbog sa ilegal na quarrying sa Batangas; P37-M kagamitan nasamsam

18 timbog sa ilegal na quarrying sa Batangas; P37-M kagamitan nasamsam

7
0

BATANGAS – Labingwalong katao ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa operasyon laban sa umano’y ilegal na quarrying sa bulubunduking bahagi ng Lemery, Batangas.

Nasamsam din ng mga operatiba ang mga sasakyan, mabibigat na kagamitan at naipong aggregates na nagkakahalaga ng tinatayang ₱37 milyon, ayon kay NBI Director Melvin Matibag.

Buking sa drone footage ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang malawakang paghuhukay at pagkasira ng malaking bahagi ng dating kagubatan.

Ayon kay Matibag, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang NBI ng intelligence report tungkol sa ilegal na quarrying sa lugar.

Matapos ang surveillance, nakipag-ugnayan ang NBI sa MGB-DENR upang magsagawa ng law enforcement operation.

Sinabi ng NBI na nagtangkang tumakas ang mga nagpapatakbo ng tatlong backhoe at isang dump truck matapos makatanggap ng babala sa kanilang radyo tungkol sa paparating na mga operatiba. Gayunman, naabutan at naaresto ang 18 katao.

Binigyang-diin ni Matibag na mapanganib sa mga kalapit na komunidad ang mga operasyon ng pagmimina at quarrying na walang kaukulang permit dahil maaari itong magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Nahaharap ang mga inaresto sa reklamong paglabag sa Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995.

Wala pang inilalabas na pahayag ang mga suspek kaugnay ng kanilang pagkakaaresto. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here