MANILA, Philippines – Magpapakalat ang Quezon City Police District (QCPD) ng 1,858 na mga pulis upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa pagdiriwang ng Semana Santa.
Ang mga pulis ay ikakalat sa mga simbahan, terminal ng transportasyon, pangunahing kalsada, mga pamilihan, border control points (BCPs), at mga law enforcement checkpoints.
Magpapatuloy ang round-the-clock patrols ng Task Force District Anti-Crime Reaction Team (TF-DART), bike patrollers, at mobile units sa mga lugar na kilala sa mga recreational activities, tourist spots, parke, at mga komunidad.
Samantala, paiigtingin ang mga checkpoint operations upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero.
Ayon kay QCPD Chief Brig. Gen. Melecio Buslig Jr., “Ang Semana Santa ay isang panahon ng pagninilay at panalangin, at tungkulin naming tiyakin na ang publiko ay makakapagdasal at magmumuni nang ligtas at tahimik.” Hinikayat niya ang lahat na maging alerto, makipagtulungan, at sundin ang mga safety reminders upang mapanatili ang seguridad ng Quezon City.
Para sa mga emerhensiya, maaaring tumawag sa QC Helpline 122 o magtungo sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya. Santi Celario