Home NATIONWIDE 18K iskolar sa Maynila tatanggap na ng buwanang allowance

18K iskolar sa Maynila tatanggap na ng buwanang allowance

171
0

MANILA, Philippines – Ipinahayag ni outgoing Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na simula sa susunod na linggo ay matatanggap na ng nasa 18,000 estudyante ng Universidad de Manila (UdM) at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang kanilang ₱1,000 buwanang allowance.

Ayon kay Lacuna, ang 10,115 at 8,200 na mag-aaral mula sa UdM at PLM ay makakakuha ng kabuuang ₱2,000 bawat isa, na sumasaklaw sa mga buwan ng Marso at Abril. Ang payout ay itinakda mula Mayo 28 hanggang 31.

Sinabi naman ni UdM President Dr. Felma Carlos-Tria na ang mga kasalukuyang naka-enroll na mag-aaral ay kinakailangang magdala ng kanilang sariling ballpen, orihinal at photocopy ng UdM-issued RFID card na may tatlong specimen signature, isang photocopy ng GO Manila ID, at naka-print na kopya ng student portal na may midterm grades para sa second semester, 2024-2025.

Aniya, ang pamamaraan at iskedyul ng payout—na isasagawa sa pamamagitan ng personal na handout—ay naka-post sa mga opisyal na social media account ng lungsod at ng UdM.

Ang mga allowance ay ibinibigay “per college basis” upang matiyak ang kaayusan ng proseso at kaginhawahan ng mga mag-aaral.

Ang mga estudyante ng PLM, sa kabilang banda, ay tatanggap ng kanilang allowance sa pamamagitan ng kanilang mga debit card account.

Ang UdM at PLM ay parehong pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ng Maynila. Ang buwanang allowance na ₱1,000 ay bahagi ng social amelioration program ng lungsod na nagsimula noong unang termino bilang alkalde ni Isko Moreno Domagoso, na ngayo’y nagbabalik bilang Mayor ng Maynila. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here