MANILA, Philippines – Nasa 19 indibidwal ang inaresto ng mga awtoridad sa paglabag sa gun ban ng Commission on Elections (Comelec) sa nalalapit na parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ayon sa Philippine National Police (PNP).
Mula Hulyo 16 hanggang Agosto 22, tatlong indibidwal ang inaresto at isa ang napatay sa operasyon ng pulisya sa Lanao del Sur.
Samantala, anim ang inaresto sa Maguindanao del Norte, walo sa Maguindanao del Sur at dalawa sa Isabela City, Basilan.
Iniulat din ng PNP ang pagkakakumpiska ng 12 small arms, siyam na light weapons, at anim na explosives.
Matatandaan na ipinatupad ang gun ban sa buong BARMM noong Hulyo 16 sa pagsisimula ng election period para sa kauna-unahang parliamentary elections.
Ang election period ay tatakbo hanggang Setyembre 29, habang ang campaign period ay mula Hulyo 30 hanggang Setyembre 12. Nakatakda naman ang eleksyon sa Setyembre 14. RNT/JGC