MANILA, Philippines – TINATAYANG umabot na sa 19 katao ang naswi habang 15 naman ang nasugatan sanhi ng pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones Luis at Maymay at ng Southwest Monsoon o Habagat.
Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD), alas-6:00 ng umaga, araw ng Martes, iniulat nito na may 19 ang nasawi sa Benguet, Rizal, at Batangas.
Nakapagtala ang Benguet ng pinakamataas na bilang ng nasawi, 12. Ang siyam na nasawi ay sanhi ng landslides sa Baguio City, habang ang dalawang nasawi ay mula sa La Trinidad at isa naman ay mula sa Atok, dahil din sa landslides.
Nakapagtala naman ng apat na nasawi mula sa Rizal. Dalawang nasawi dahil sa landslides sa Rodriguez, habang isa naman ang nasawi matapos tamaan ng bumagsak na puno sa Antipolo at may isa pang nalunod sa Binangonan.
May tatlong katao naman ang nasawi na naitala sa Batangas. Isa ang nasawi sanhi ng pagkalunod sa Batangas City, isa naman ay sanhi ng electrocution sa Lipa, at isa naman ay sanhi ng landslide sa Santa Teresita.
Apat na katao naman ang nananatiling nawawala kabilang na ang tatlo sa Benguet at isa sa Batangas. Dalawang katao sa Baguio at isa sa Atok ang napaulat na nawawala dahil sa landslides.
Iniulat din ng OCD na may 15 katao ang sugatan.
Sa kabilang dako, dahil sa nagsamang epekto ng weather disturbances, naapektuhan ang 2,270,862 katao o 646,676 pamilya sa mga sumusunod an rehiyon:
Ilocos Region
Cagayan Valley
Central Luzon
Bicol
Western Visayas
Zamboanga Peninsula
CALABARZON
Cordillera Administrative Region (CAR)
Metro Manila
MIMAROPA.
May kabuuang 919 evacuation centers ang binuksan, kinakanlungan ngayon ng 94,997 katao o 26,174 pamilya.
Nakapagtala naman ang OCD ng pinsala sa 684 bahay, kung saan 639 ang nagtamo ng partial damaged at 45 naman ang nawasak.
Umabot naman ang infrastructure damage sa P1,456,730,241, habang agricultural losses ay umabot naman sa P135,331,658.
Samantala, sa ngayon, nakapagbigay na ang gobyerno ng P73.52 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong komunidad. KRIS JOSE