MANILA, Philippines — Labinsiyam na katao ang inaresto habang tinatayang P150 milyon halaga ng smuggled cigarettes ang nasamsam sa Baliwag City, Bulacan sa isinagawang anti-smuggling operation, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na nasabat ng mga awtoridad noong Martes ang mahigit 2,000 kahon ng sigarilyo mula sa mga container van at maliliit na delivery truck sa kahabaan ng DRT Highway sa Barangay Tarcan.
Ayon sa pulisya, walang kaukulang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps ang mga nakumpiskang sigarilyo. Narekober din ng mga awtoridad ang anim na sasakyang umano’y ginamit sa distribusyon ng mga ipinuslit na produkto.
Nasa kustodiya na ng Police Regional Office 3 (PRO 3) ang mga naarestong indibidwal at ang mga nasamsam na ebidensiya.
Sinabi ng PNP na nagpapatuloy ang follow-up operations upang matukoy at maaresto ang iba pang sangkot sa ilegal na aktibidad.
“We will continue to intensify our enforcement actions to ensure that all those involved in illicit trade are brought before the law,” ani PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. Mary Anne Sapico