Home METRO Baril, granada nasawata sa Pasay checkpoint; 2 nakamaskarang rider, huli

Baril, granada nasawata sa Pasay checkpoint; 2 nakamaskarang rider, huli

83
0

MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang nakamaskarang lalaki na sakay ng motorsiklo matapos makuhanan ng revolver at rifle grenade sa isinagawang checkpoint operation sa Pasay City noong madaling araw ng Martes.

Kinilala ni Pasay City Police chief Col. Joselito De Sesto ang mga suspek na sina “Trishtan,” 21, isang construction worker, at “Jared,” 18, kapwa residente ng lungsod.

Ayon kay De Sesto, pinara ng mga operatiba ng Pasay City Police Substation 1 ang dalawa dakong alas-5 ng umaga sa kahabaan ng Roxas Boulevard service road sa Barangay 13 bilang bahagi ng “Oplan Sita” matapos mapansing nakasuot ang mga ito ng balaclava at walang helmet.

Sa halip na huminto, umano’y humarurot ang driver upang makatakas, habang tinangka naman umano ng back rider na bumunot ng baril, na nauwi sa maikling komprontasyon sa mga pulis.

Kalaunan ay naawat ang mga suspek at narekober mula kay Trishtan ang isang .38-caliber revolver at mula naman kay Jared ang isang rifle grenade.

Ayon sa pulisya, lumabas sa mas malalim na imbestigasyon na nasasangkot umano ang dalawa sa mga insidente ng snatching. Sinisilip na rin ng mga awtoridad ang posibleng pagkakadawit nila sa iba pang kriminal na aktibidad.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasay City Police custodial facility at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives, Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at Article 151 ng Revised Penal Code o resistance and disobedience to a person in authority. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here