Home METRO Higit P5M ismagel na yosi nasamsam sa Cotabato City at Zamboanga

Higit P5M ismagel na yosi nasamsam sa Cotabato City at Zamboanga

98
0

MANILA, Philippines — Mahigit P5 milyon halaga ng smuggled cigarettes ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkahiwalay na anti-smuggling operations sa Cotabato City at Zamboanga City noong madaling araw ng Miyerkules.

Sa Cotabato City, nabigo ng pulisya ang umano’y tangkang pagpupuslit ng sigarilyo sa isang liblib na lugar sa Barangay Kalanganan 2 at nakumpiska ang tinatayang P3 milyong halaga ng kontrabando.

Rumesponde ang mga operatiba ng Cotabato City Police Office (CCPO) sa lugar makaraan ang alas-4 ng umaga matapos makatanggap ng intelligence information hinggil sa isang cargo truck na umano’y may kargang smuggled cigarettes.

Ayon kay Col. Jibin Bongcayao, city police director, ipinadala ang mga tauhan ng Police Station 3 sa Timako Hill sa naturang coastal village upang beripikahin ang ulat. Doon, nadatnan ng mga pulis ang isang Isuzu truck na may plakang MAJ 1273 na nakaparada sa tabi ng isang liblib na kalsada at may kargang mga kahon ng sigarilyo.

“The law enforcers noticed several men fleeing from the truck and had gone under cover of darkness, leaving behind the contraband,” ani Bongcayao sa isang interbyu.

Sinabi ni Bongcayao na humigit-kumulang 70 master cases ng “Bosqu” brand cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng P3 milyon ang nasamsam sa lugar.

Nasa kustodiya na ng Police Station 3 ang mga nakumpiskang sigarilyo at nakatakdang i-turn over sa Bureau of Customs. Inihahanda na rin ng mga awtoridad ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek, partikular sa rehistradong may-ari ng truck, dahil sa umano’y paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at iba pang kaugnay na batas.

Sa hiwalay namang operasyon sa Zamboanga City, nasamsam ng mga awtoridad ang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P2.46 milyon sa baybayin ng Isla Berde, Chonga Drive sa Barangay Talon-Talon bandang alas-3:30 ng madaling araw.

Ayon kay Col. Fidel Fortaleza Jr., director ng Zamboanga City Police Office (ZCPO), nakita ang mga sigarilyo sa shoreline ngunit agad na tumakas at iniwan ng mga taong naghahakot ng kontrabando nang mapansin ang pagdating ng mga pulis at iba pang operatiba.

“The cigarettes were spotted along the shoreline, and the persons hauling it immediately escaped and abandoned the smuggled items upon sensing the presence of the policemen and other operatives,” dagdag pa ni Fortaleza sa report.

Narekober ng mga awtoridad ang 41 master cases ng sigarilyo na may brand name na gawa sa North Sulawesi, Indonesia. Sinabi ni Fortaleza na nakikipag-ugnayan na ang ZCPO sa Criminal Investigation and Detection Group at Regional Maritime Unit 9 upang matukoy ang mga may-ari ng kontrabando.

Dinala ang mga nakumpiskang sigarilyo sa Zamboanga City Police Station 12 para sa tamang disposisyon. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here