Home METRO 1M shabu narekober ng PNP, PDEU

1M shabu narekober ng PNP, PDEU

MANILA, Philippines- Humigit-kumulang sa halagang P1 milyon ang nakumpiskang ilegal na droga mula sa dalawang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot, kabilang ang isang babae, sa isinagawang buy-bust operation kahapon ng Lucena City PNP at PDEU sa Purok 1 Barangay Bocohan sa lungsod ng Lucena, Quezon.

Ang dalawang suspek na pansamantalang nakakulong ngayon sa Lucena City Police Station na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 and 11 ng RA 9165 ay kinilala sa mga alyas na Hector at Babylyn, pawang nasa hustong gulang , at residente ng naturang lugar.

Base sa report na dumating sa tanggapan ni PBGen. Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO4 Calabarzon, dakong alas-5:43 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na pwersa ng Lucena City Police Station at Provincial Drug Enforcement  Unit matapos na magpanggap na poseur buyer ang isang awtoridad na humantong sa aktong pag-aresto sa dalawang suspek.

Narekober sa mga suspek ang limang heat-sealed transparent plastic bag at sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu na may timbang na 165 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1,122,000, cash na nagkakahalaga ng P10,000 na ginamit na marked money sa buy-bust operation, sling bag na kulay itim, digital weighing scale at isang sasakyan na MG Sedan na may plakang NIN-7510 na kulay puti, samantalang ang dalawang suspek ay kapwa nasa High Value Individual na talaan ng pulisya. Ellen Apostol