Home HOME BANNER STORY 2.179M pamilya apektado ni Kristine, Leon – NDRRMC

2.179M pamilya apektado ni Kristine, Leon – NDRRMC

MANILA, Philippines- Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mahigit sa 8 milyong katao o mahigit sa dalawang milyong pamilya ang apektado ng dalawang tropical cyclones na sumalanta sa bansa nito lamang nakalipas na buwan ng Oktubre. 

Sa situation report ng (NDRRMC) hanggang alas-8 ng umaga nitong Nobyembre 2, sinabi nito na ang pinagsamang epekto ng Severe Tropical Storm Kristine at Super Typhoon Leon ay nakaapekto sa 2,179,856 pamilya o 8,534,215 katao.

Karamihan sa mga apektado na naiulat ay mula sa Bicol Region na may 3,027,690 katao, sinundan ng Region III na may 1,092,915 at Calabarzon na may 1,014,810.

Sa kabuuang apektadong populasyon, 261,612 katao o 60,367 pamilya ay nananatili sa loob ng 1,351 evacuation centers sa 17 rehiyon, habang 548,133 indibiduwal o 113,705 pamilya ang nanunuluyan sa ibang lugar.

Ang pagbaha, landslides, at malakas na hangin ay iniulat sa ilang lugar sa mga apektadong rehiyon.

May kabuuang 178,747 bahay ang napinsala kung saan, 164,146 ang partially damaged at 14,601 ang totally damaged.

Ang damage o pinsala sa imprastraktura ay P7,352,116,526.45 habang ang damage naman sa agrikultura ay umabot na sa P4,437,215,186.87.

Sa kabilang dako, sa naging ulat ng NDRRMC sa Presidential Management Staff (PMS) sa Malakanyang, sinabi ng NDRRMC na nakapagbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P713.1 million na iba’t ibang tulong sa mga pamilyang apektado nina Kristine at Leon hanggang nitong Nobyembre 1.

Sinabi ni Undersecretary Ariel Nepomuceno, NDRRMC Executive Director, kabilang sa suporta na ipinagkaloob ng DSWD ay family food packs (FFPs), iba pang Food Items, Family Kits, Family Tent, Hygiene Kits, Sleeping Kits, laminated sacks, at Other Non-Food Items.

Sinabi pa ni Nepomuceno, administrator ng Office of Civil Defense (OCD), pinalawig ng DSWD ang humanitarian assistance na P525,000 sa mga benepisaryo sa iba’t ibang munisipalidad sa Calabarzon, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Iniulat din ng NDRRMC na ang bilang ng mga naiulat na nasawi dahil sa bagyong Kristine ay 146, habang 91 naman ang sugatan at 19 ang nawawala.

Nauna rito, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang araw ng Lunes, Nobyembre 4, 2024, bilang Day of National Mourning para sa mga biktima ng malakas na pag-ulan, pagbaha, at malakas na hanging dulot ni Severe Tropical Storm Kristine (international name: Trami).

Sa kanyang Proclamation No. 728, ipinalabas ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa awtoridad ng Pangulo, sinabi ni Marcos na ang pagkakasa sa Nobyembre 4 bilang national day of mourning ay “in solidarity with the bereaved families and loved ones of those who perished due to the devastation brought by Severe Tropical Storm Kristine.”

“The entire nation is requested to offer prayers for the repose of the souls of the victims,” ang sinabi ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Marcos na sa Nobyembre 4, dapat itaas ang national flag nang half-mast mula pagsikat ng araw hanggang paglubog nito sa lahat ng government buildings at installations sa buong Pilipinas at sa ibang bansa.

Ipinalabas ang Proclamation No. 728 noong Oktubre 30, 2024.

Samantala, sinabi naman ng NDRRMC na hanggang Nobyembre 1, lahat ng naapektuhang power generation plants ay balik na sa normal na operasyon.

“All NGCP’s transmission lines and facilities are now operating normally,” ang sinabi pa rin ng NDRRMC.

Base sa report ng National Electrification Administration (NEA), 13 electric cooperatives (ECs) ang nananatiling Partial Power Interruption (PPI). 

Sinasabing mula sa 160 munisipalidad, 108 (67.5%) ang energized at iyon namang ibabalik pa lamang ay 101,107 consumer connections.

“There is no reported fuel supply shortage in bulk facilities as of November 1,” ang sinabi ng NDRRMC sabay sabing, “fuel supply in some retail gasoline stations received replenishments from Pasacao (Camarines Sur) bulk facilities via truck delivery.”

“Around 1,894 thousand liters of Liquid Petroleum Products (LPP) —diesel and gasoline— and 20,000 11-kg LPG cylinders  were delivered to Bicol for October 29-31, 2024,” base sa NDRRMC.

Tinuran pa ng nitong lahat ng bulto ng pasilidad at terminals ay operational maliban para sa isang LPG Refilling Plant (Phoenix LPG Refilling Plant).

Iniulat din ng NDRRMC ang health-related logistics ng Department of Health (DOH) sa National Capital Region (NCR), Cagayan Valley, Calabarzon at Bicol region.

“The support, totaling P4.5 million, includes medical and public health, Water, Sanitation and Hygiene (WASH) and Nutrition in Emergencies (NIE),” anito. Kris Jose