MANILA, Philippines – May kabuuang 2,435 pasahero at 1,167 rolling cargos ang stranded sa mga pantalan sa Albay, Masbate, at Sorsogon dahil sa suspensyon ng paglalayag dulot ng Tropical Storm Ada, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard sa Bicol (PCG-5).
Sinabi ni PCG-Bicol Commander Commodore Ivan Roldan na patuloy na minomonitor ng lahat ng istasyon at sub-istasyon ang mga lalawigan sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 dahil sa bagyong Ada.
Nakipag-ugnayan na aniya ang mga Coast Guard station sa kani-kanilang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council at Provincial RDDRMC para sa mga hakbang na pang-iwas at pangontra sa inaasahang epekto ng ng bagyo.
Ang mga stranded na pasahero ay nasa mga pantalan sa Matnog (1,965), Pilar (38), Castilla (236), lahat sa Sorsogon; 50 sa pantalan ng Tabaco, 105 sa Pioduran sa Albay; 36 sa pantalan ng Pasacao sa Camarines Sur, at lima sa pantalan ng Mobo sa Masbate.
May 901 rolling cargos at 10 sasakyang pandagat din na hindi makakaalis sa mga pantalan, habang 10 iba pa ay nagpapatulong sa ligtas na daungan.
Bukod dito ay may 391 deployable response groups (DRGs) na naka-heightened alert na may mga nakahandang personnel at kagamitan upang suportahan ang mga pagsisikap sa emergency response ng lokal na pamahalaan.
May kabuuang 86 grupo, kasama ang 11 land assets at 20 floating assets, ang nakahanda para sa posibleng deployment sa mga operasyon sa evakuasyon, pagsagip, at pagtugon.
Sinabi ni Roldan na patuloy silang nagsasagawa ng monitoring at naglalabas ng mga safety advisory sa mga residente na naninirahan malapit sa mga pangunahing sistema ng ilog sa Rehiyon ng Bicol dahil sa posibleng pagdaloy ng lahar mula sa Bulkang Mayon, na maaaring ma-trigger ng Ada.
Aniya, ang mga proactive operations sa monitoring ay naglalayong matiyak ang maagang pagtuklas ng pagtaas ng lebel ng tubig, paggalaw ng mga labi ng bulkan, at iba pang potensyal na panganib na maaaring magbanta sa mga kalapit na komunidad, imprastruktura, at kaligtasan sa dagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden