MANILA, Philippines – NAGAWA ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makakolekta ng mahigit sa 2.6 million kilograms ng basura mula sa paglulunsad ng Kalinga at Inisyatiba Para Sa Malinis na Bayan (KALINISAN) Program ng gobyerno.
Mahigit 9,000 barangay ang nagpartisipa rito.
Base sa national status report ng Department of Interior and Local Government (DILG) ipinalabas, araw ng Linggo, makikita na nakakolekta ang KALINISAN program ng 2,646,948 kilograms ng basura mula sa 9,189 na nagpartisipang barangay sa bansa.
Iniulat din ng DILG na 580,000 indibiduwal ang nagpartisipa sa clean-up drive kasama ang 109,939 lokal na opisyal.
Sa 580,000 indibiduwal, 103,249 ang sumali sa programa mula Cagayan Valley; 103,044 mula Central Luzon; 117,161 mula Calabarzon; 59,630 mula Mimaropa; 29,814 mula Central Visayas; 27,287 mula Zamboanga Peninsula; 63,996 mula Northern Mindanao; at 8,060 mula SOCCSKSARGEN.
Tinatayang 39,109 indibiduwal naman ang nagpartisipa sa cleanup drive mula National Capital Region (NCR) at 28,650 mula Cordillera Administrative Region (CAR).
Samantala, magsasagawa naman ang DILG ng quarterly recognition sa mga Local Government Units (LGUs) na episyenteng ipatutupad ang Kalinga at Inisyatiba Para Sa Malinis na Bayan (KALINISAN) Program ni Pangulong Marcos Jr.
Matagumpay na inilunsad kasi ang KALINISAN program, araw ng Sabado sa pamamagitan ng isang national simultaneous clean-up drive sa Baseco Compound sa Maynila, nataon naman sa pagdiriwang ng taunang Community Development Day.
Sa kanyang naging mensahe, sinabi ni Abalos na titiyakin nila na imo-monitor mabuti ang pagganap ng 42,000 barangay sa iba’t ibang lugar sa bansa.
“Sa DILG, imo-monitor namin ang performance ng bawat barangay on a monthly basis, and quarterly basis magkakaroon ng awarding ito…Tututukan talaga namin ito,” ayon sa Kalihim.
Aniya, pinapayagan ng programa ang mga Filipino na ipakita ang kanilang “spirit of volunteerism” habang tinitiyak naman ang ligtas at malusog na komunidad.
Hinikayat din nito ang lahat ng local chief executives na ipasa ang kani-kanilang mga ordinansa kung saan ire-require ang community service sa mga indibiduwal na mahuhuling magtatapon ng basura.
Umaasa naman si Abalos na mas maraming Filipino ang magkakaroon ng disiplina na mas maging responsable sa pagtatapon ng kanilang kalat o basura.
“Sana ma-achieve natin na hindi na kailangan mahuli, dapat may disiplina. Dapat may disiplina ang bawat isa na hindi ka na sitahin,” ayon kay Abalos.
Samantala, nakiisa naman ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at LGUs sa buong mundo sa sabay-sabay na clean-up drive ng gobyerno. Kris Jose