Home NATIONWIDE Makati Mayor Binay, gigisahin sa Senado vs pagkandado ng EMBO fire station

Makati Mayor Binay, gigisahin sa Senado vs pagkandado ng EMBO fire station

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senador Alan Peter Cayetano na iimbestigahan ang pagkakadena ni Makati City Mayor Abby Binay sa fire stations ng City of Taguig ng Bureau of Fire Protection (BFP) noong Kapaskuhan na nalagay sa panganib ang residente sa EMBO.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na hindi siya titigil sa imbestigasyon kahit binuksan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang naturang fire station.

Nitong Enero 5, sa kanyang Facebook Live, lubos na ikinadismaya ni Cayetano ang pangyayari at sinabing ipapatawag ang mga opisyal ng BFP upang magbigay ng full report sa pamamagitan ng isang Senate hearing.

“We will have a hearing. I will get to the bottom of this. May tsansa pa kayo sa Bureau of Fire (Protection) by correcting and repenting,” wika niya,

“I don’t want your excuses. You give a full report of what happened,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na kanyang nalaman ang pagkakadena sa fire stations noong araw ng Bagong Taon nang bumisita sila ni City of Taguig Mayor Lani Cayetano sa police stations ng mga Barangay ng West Rembo at Comembo.

“First day of the year na bumalik ang mga EMBO sa Taguig after decades. Inimbita kami ni Lani sa West Rembo and Comembo at nag-boodle fight kasama ang mga police. Pagtingin namin, sa same compound, nakakandado ang fire station,” wika niya.

Sinabi ng senador na ito’y sa kabila ng pangako ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamamagitan ng Supreme Court resolution noong Disyembre na ang mga EMBO fire stations na dating bahagi ng Makati ay ililipat na sa hurisdiksyon ng Taguig pagsapit ng January 1, 2024.

Dismayado ring sinabi ni Cayetano na nalaman niya lamang na isinara na ang mga ito ng Makati bago pa man matapos ang 2023 nang walang pasabi sa Taguig.

“Nu’ng December 31, nakakandado na pala ang mga fire station, wala tayong kamalay-malay. At alam naman po natin, red alert kapag December 31, dahil maraming gumagamit ng mga paputok,” wika niya.

“I’m very emotional about this, kasi can you imagine, kung may sunog na nangyari diyan, hindi lang po y’ung mga gamit, pati y’ung buhay ng mga tao maaapektuhan,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na nalaman niya na ang pagkakadena sa utos ni City of Makati Mayor Abby Binay, na nauna nang nangakong gagalangin ang desisyon ng Korte Suprema na ang 10 sampung Barangay ng EMBO ay pagmamay-ari ng Taguig.

Ani Cayetano, agad niyang kinausap ang Director ng Bureau of Fire Protection ngunit hindi ito nakipagtulungan sa senador.

“Ipinangako ng director that afternoon na tatanggalin ang kandado at papapasukin na ang BFP ng Taguig. Pagkacheck ko kanina (Friday), wala pa rin,” wika niya.

Ibinahagi rin ni Cayetano na nang makausap niya si Local Government Secretary Benhur Abalos, sinabi nito na si Mayor Binay mismo ang nagsabi na ang mga fire stations ay pagmamay-ari ng Makati.

Labis itong ikinadismaya ni Cayetano na pawang hindi katanggap-tanggap.

“We are a nation of laws, not of people. Hindi naman porke’t sinabi ng mayor na sa kanya ‘yan, siya na ang matutupad,” wika niya.

Nagpasalamat naman si Cayetano na walang malalang insidente ang nangyari sa selebrayson ng bagong taon at sinabing, “Thank God walang sunog na nangyari, walang namatay at nasunugan na property.”

Gayong nagpasalamat si Cayetano kay Abalos sa maagap nitong pagresolba sa pangyayari, inihayag niya na iimbestigahan pa rin nito ang BFP.

“I am very very disgusted and very, very upset at the Bureau of Fire (Protection) and I promise all of you, I will get to the bottom of this. Hindi pa tapos ‘tong issue na ‘to,” wika niya. Ernie Reyes