MANILA, Philippines – Nakapag-isyu ang pamahalaan ng 2.9 milyong lehitimong identification cards para sa persons with disability (PWD) ngunit nalampasan ng mga pineke, ayon sa National Council on Disability Affairs (NCDA) nitong Sabado, Oktubre 24.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni NCDA spokesperson Walton Jason Alava na talamak na isyu ang paglalabas ng mga pekeng PWD cards at bilyon-bilyong piso ang nawawala sa kita ng gobyerno dahil dito.
“Based sa aming data, nasa mga around 2.8… 2.9 million na po, ‘yung mga persons with disabilities na nabigyan ng mga identification cards,” ani Alava.
“Nasa mga 8.5 to 9 million in circulation na persons with disability identification cards,” sinabi pa ng opisyal.
Nang tanungin kung ang pagkakaiba ng bilang ay nangangahulugang 6.5 milyon ang pekeng ID ay kinumpirma naman ito ni Alava.
Kamakailan ay naalarma ang Department of Justice sa tinatayang anim na milyong pekeng PWD ID cards at nangako na tutugisin ang mga may hawak nito. RNT/JGC