BAGUIO CITY, Philippines – Narekober ng mga rescuer ang bangkay ng isang 2-anyos na batang babae mula sa guho ng landslide sa Barangay Guisad Surong, Baguio City bandang 2:52 p.m. noong Lunes.
Bandang 3:30 p.m., isang babaeng nasa hustong gulang ang narekober din sa lugar, ngunit wala pang inilalabas na detalye tungkol sa kanyang kalagayan.
Dahil dito, umakyat na sa lima ang bilang ng mga nasawi mula sa 13 kataong nasa loob ng tatlong bahay na natabunan ng malaking landslide na naganap bandang 7:00 p.m. noong Linggo.
May lima pang nawawala, kabilang umano ang isa pang bata.
Samantala, tatlong katao ang nailigtas—isang 27-anyos na lalaki, isang 27-anyos na babae, at isang 77-anyos na lalaki—at dinala sila sa ospital.
Patuloy ang search, rescue, at retrieval operations sa lugar, habang nagpalit ng duty ang mga response team upang ipagpatuloy ang paglilinis sa ground zero.
Nagtayo rin ng Incident Command Post sa lugar at personal na binabantayan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang operasyon. Tumulong din ang mga volunteer group sa pagbibigay ng tubig at iba pang suporta sa mga rescuer. RNT/MDS