CAVITE, Philippines – Nasa 1,000 piraso ng Subscriber Identity Module (SIM) cards ang nasamsam ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group kasunod ng pagkakaaresto sa dalawang katao sa isang entrapment operation sa Imus, Cavite.
Sinabi ni PNP-ACG director Brig. Gen. Bernard Yang na ang dalawang naarestong suspek ay sangkot sa buy-and-sell ng SIM card, na ipinaliwanag na bibili sila ng SIM card sa halagang P15 bawat isa at ibebenta ito sa P20 bawat isa online.
“Our operatives arrested the two suspects in an entrapment operation. The SIM cards seized are possibly being used for text blaster machines,” saad ni Yang.
“The illegal sale of registered SIM cards undermines our efforts to trace and prevent cybercrimes. These cards often end up in the hands of scammers and fraudsters,” dagdag niya.
Sinabi ni Yang na nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa iba’t ibang telecom company sa pagsasagawa ng kanilang imbestigasyon hinggil sa pagbebenta ng SIM card.
Ang dalawang suspek ay kabilang sa 40 katao na inaresto sa isang linggong operasyon—mula Agosto 22 hanggang 28, dahil sa mga paglabag sa cybercrime law.
Sa mga naaresto, sinabi ni Yang na 34 ang nahuli sa entrapment operations habang anim ang wanted na natunton sa magkahiwalay na anti-cybercrime efforts.
Parehong nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 7 ng RA No. 11934 (SIM Registration Act of 2022) in relation to Section 6 of RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
“We call on the public to support the enforcement of the SIM Registration Act by refusing to participate in these illegal activities and reporting violators to the nearest ACG office,” ani Yang. RNT/MND